Badjao: Ang Sapilitang Panlilimos

Litrato ni Andy G. Zapata Jr.
December 10, 2007

Badjao: Ang Sapilitang Panlilimos
Inilathala nina Gayle Maritana at Renzel Perey 

Nakatutuwang isipin na ang ilan sa atin ay gumigising na may nakahandang pagkain, timpladong gatas at may baong pera’t tanghalian. Ngunit bakit sa gitna ng kasaganaan, marami pa rin ang nagkukulang? Para sa buhay ng iba, kinakailangan na makipagsabayan sa mga rumaragasang sasakyan at humahangos na mamimili para lamang makalikom ng kakarampot na barya. Nakakalungkot isipin, ngunit ano ba ang magagawa natin?

Isa ang mga Badjao sa mga hindi pinalad sa buhay. Upang makalikom ng pera, kinakailangan pa nilang bumaba ng bundok at makipagsapalaran sa mga malalaking siyudad. Sa pag-aakalang mas mapapa-ayos ang buhay, at sa paniniwalang mas mapapalayo sa karahasan at kaguluhan ay nag pakalayo-layo sa bayang kinalakihan. Gamit ang lukot-lukot na sobre, sariling gawang instrumento at talento, nagkakalaman ang kanilang gutom na sikmura at butas na bulsa.

Isa ang siyudad ng Tagaytay na matatagpuan sa lalawigan ng Kabite na kinakaharap ang isa sa may matinding krisis sa bansa, ang sapilitang panlilimos ng mga Badjao. Nagkalap kami ng sapat na datos upang malaman ang ugat ng suliranin at ang posibleng solusyon mula sa perspektibo ng mga pasahero’t opisyal ng City Social Welfare and Development (CSWD) Tagaytay City.

Sa paglipas ng panahon, nag-iiba ang takbo ng buhay, pakikisama ng tao at ugali ng isang indibidwal. Ngunit dahil sa pagkakaiba ng kultura, at estado sa buhay na ating nakalakihan, nagkakaroon ng malaking agwat ang pakikitungo ng isang tao mula sa ibang tao o grupo. Kilala ang mga Badjao dahil sa pagiging masayahin, ngunit habang tumatagal ay nagiging bayolente ang pakikisama nila sa mga taong nakapaligid sa kanila. Isa sa mga dahilan ay nagiging tampulan sila ng kutya dahil sa kakaiba nilang bihis at kakulangan sa pag-aayos ng sarili. Maging ang hindi makataong pang-aalipusta, maaaring hindi nila alam kung anong klaseng pang-mamata ang ginagawa sa kanila ay siguradong nararamdaman naman nila ito.

Isa si John Lee Macabadbad, estudyante mula sa Cavite State University (CvSU) - Indang, sa mga pasahero na araw-araw bumabiyahe at madalas makasalamuha ang mga Badjao sa jeep. Bagama’t takot ang nadarama niya sa tuwing may kasabay siyang Badjao ay lubos naman ng awa ang kaniyang ibinabatid. Ani nito, “At first po, noong humihingi sila sa akin, parang naaawa kasi ano na lang po ang silbi ng magulang nila para tustusan ang pangangailangan nila.” Sa kabila ng awa na kaniyang nararamdaman sa mga panahon na iyon ay mas pinili na lamang niya na manahimik at magpasa walang-kibo. Komento niya, “Hindi ko na lang sila pinansin gano’n. Kasi once na in-entertain mo, parang mas lalo ka pang matatakot.”

Nakapanayam din namin si Ann Hannah Kaye Fallago, estudyante na nagmula sa City College of Tagaytay (CCT). Nakaranas din umano siya na maabutan ng sobre sa jeep mula sa mga Badjao. Kaakibat nito’y inis at kaba ang kanyang nadarama dahil may mga Badjao umano na nagagalit matapos hindi mabigyan ng ilang mga pasahero. Tulad ng kay John Lee, nang dahil sa pangamba ay minabuti na lang tumahimik ni Ann sa tuwing may makakasalamuha siyang Badjao.

Ayon kay Mrs. Florencia Rozul, City Social Welfare and Development Head Officer ng Tagaytay City, maaaring hindi ito sapilitang panlilimos marahil ito ay isang kultura o nakasanayan na ng mga Badjao upang kumita ng pera. Malamang ay nagagawa nilang manlimos dahil yun lamang yung paraan nila upang kumita ng pera. Maaring yun din ang ipinamulat sa kanila. Nang dahil sa kakulangan ng suplay sa pang araw-araw, kahit ang mga nasa murang edad ay nagagawa na din ang manlimos.

Patuloy pa din ang pagbalik ng mga Badjao sa siyudad dahil din sa ilang mga pasahero na nagbibigay ng limos. Kung kaya hindi maiwasan ang pagbalik ng mga ito. Ilan sa mga katwiran ng mga pasahero ay dahil sa awa. Pangangatwiran ni Mrs. Florencia, “Sa mga pasahero, kung gugustuhin nila na tumulong, ay wag na muna. Kasi nga na to-tolerate sila, magbibigay sila kahit sapung piso, o tapos sa kabilang jeep meron namang sampung piso.” Dagdag pa niya, “Nasa batas 'yan, na di ka dapat magbigay pero madami pa din ang hindi sumusunod.  Kaya nangyayari na to-tolerate sila. Pero kung tayo mismo naunawaan natin yung batas, baka hindi sila magpabalik balik dito sa atin.”

Para kina John Lee at Ann Hannah Kaye, mas mainam na magkaron ng maayos na pasilidad para sa mga Badjao lalo pa ang ilan sa mga ito ay mga nasa murang edad. Dagdag pa ni John Lee, “Siguro ang isang way na gawin ng Government ay maglaan ng place na para lamang sa mga Badjao.” Sa tulong ng City Social Welfare and Development (CSWD) Tagaytay City at Women’s Desk, nabibigyang aksiyon ang lumalaganap na isyung ito. Upang mapanatili ang kaayusan sa Tagaytay, naglaan sila ng pa-bahay, nagbibigay ng pinansiyal na tulong at kung may nararamdamang sakit ay agad itong idinadala sa ospital. Libre ang pagpapagamot ng mga Badjao sa Tagaytay City. Isa sa kanilang naging proyekto ay “Rescue Operation Badjao” kung tawagin ang kanilang ipinatupad sa lalawigan ng Tagaytay. Ang layunin ng operasyon na ito ay hindi mahuli ang mga Badjao, ngunit madala sa mas angkop na lugar at maalagan ng mas maayos.

Kung ating susumahin, malaki ang epekto na naidudulot ng ibang tao sa pagiging bayolente nila. Ika nga ni Ann Hannah Kaye, “Kasi po ‘yong attitude ng isang tao ay nakakaapekto sa kung paano siya [umakto].” Tao mismo ang nag-uudyok sa mga Badjao na maging mapanakit at maging bayolente. Nakaka-lungkot lamang isipin na kung sino pa ang nakapag-aral ay siya pa ang walang pang-unawa sa kalagayan nila, at walang pakikisama sa tulad nilang kapos-palad. Salungat naman ang sagot ni Mrs. Florencia, “Ang may pagkukulang kung bakit nagiging bayolente ang badjao ay dahil sa sarili nila mismo. Maaaring dahil sa kinalakihan nilang pamumuhay at kultura.”

Tao din sila na nangangailangan ng pang araw-araw na ikabubuhay. Ang pinagkaiba lang nila ay meron tayong sariling tahanan. Ilan lamang ito sa mga posibleng pagkakatulad at pagkakaiba ng mga Badjao sa atin. Marapat lamang na mapagtuunan ng pansin ang henerasyon ngayon upang magkaroon ng pagbabago. Upang mabigyan ng kaukulang atensyon at mamulat sa pamumuhay sa kasalukuyan.



Comments

Popular posts from this blog

My Avatar Description